#KwentongBokasyonMoShareMo
The vocation story of Sem. John Karol Limjuco
Isang aktibong layperson sa aming parokya noon, isang opisyal na seminarista na ngayon, Ako si John Karol Limjuco, isa sa mga admin ng HugotSeminarista, at ito ang kwentong bokasyon ko.
Tulad ng karamihan, lola ko ang nagtaguyod sa akin sa pagiging Kristyanong Katoliko ko. Bata pa lamang ako ay naglilingkod na ako sa Simbahan, sa Sub-parish namin. Tuwing araw ng Sabado, naggagayak at naglilinis kami ng aking Lola sa aming Kapliya para paghandaan ang Misa sa Araw ng Linggo. Ito ay nakasanayan ko sa loob ng tatlong taon hanggang sa naging Sakristan ako sa Kapilyang iyon.
Marami akong nakilala at naging kaibigan, hanggang sa nasabak ako sa una kong pagsali sa prusisyon ng Intramuros Grand Marian Procession, taong 2013. Pero noong magkokolehiyo na ako, naging busy ako kaya nahirapan akong ipagpatuloy ang gawain ko sa simbahan, gayon pa man, hindi ko pa rin nakakaligtaang magsimba at bumisita sa tahanan ng Diyos.
Noong nasa kolehiyo ako, naka-ilang beses akong nakatanggap ng pagtawag mula sa Panginoon. Ilang beses ako naudyok na magnilay at kausapin Siya sa bawat pagdarasal ko. Nagpasya akong mag punta sa iba’t-ibang simbahan para makahanap ng kapayapaan at makahanap ng sagot. Pero nagpatuloy ako sa pag-aaral hanggang sa makapagtapos.
Noong nagkaroon ako ng opurtunidad na magtrabaho, ilang kumpanya din ang napili kong pasukan, pero ang nakakatuwa, palagi itong malapit sa isang Simbahan. Doon ko lamang napagtanto na, palaging gumagawa ang Panginoon na maalala ko siya sa bawat kong ginagawa. Napapatanong nga rin ako noon kung iyon ba ang binibigay na sign ni Lord sa 'kin. Hindi ako madalas maniwala sa mga sign, pero sa tuwing nakakaranas ako ng kakaiba ay tila napapaisip ako na baka paraan nga iyon ng Panginoon para sabihing tinawag ako sa bokasyon ng pagpapari.
Tumagal ako sa kumpanya na pinagtrabahuan ko hanggang sa nag-resign ako at nagtayo ng sariling negosyo. Sa panahong iyon, napa-isip ako, sa lahat ng blessings na ibigay sa akin ng Panginoon, isa lang ang hindi ko tinanggap sa kanya, ang pag-tugon sa tawag Niya.
Hanggang sa napili ako ni ‘Kuya Bok’ na maging isa sa mga admin ng HugotSeminarista bilang si ‘Harry Father’. Dahil sa pagkakataon na ibinigay niya ay nasubukan ko muling maglingkod sa Panginoon bilang isang Social Media Evangelizer at kinalaunan ay tinawag muli sa parokya namin para maglingkod sa Social Communications. Ito ang naging tulay at daan kaya nabuhay muli ang kagustuhan kong sumubok na sumali sa search-in ng seminaryo sa aming diyosesis. Bilang deboto ng Mahal na Birhen, pinagpapasalamat ko na itinataas niya ang lahat ng aking Panalangin ko sa Ama. Sa unang yugto ng aking buhay bilang isang Aspiring Seminarian, itinataas ko ang lahat ng mga biyaya sa Panginoon , kasama ng Mahal na Birheng Maria. Marami man akong kailangang iwanan, alam kong higit pa rin ang aking makakamtan sa aking pagtugon sa Kanyang tawag.
Muli, I am Harry Father, forever blessed to serve Christ with you. Now signing off.
#HugotSeminarista #KBMSM
Comments
Post a Comment